Jason Abalos, napakagaling sa ‘Endo’
Maraming independent films na nagmula sa Cinemalaya filmfest ang umani ng papuri at ginawaran ng parangal dito sa atin at sa ibang bansa.
Hindi maikakailang ang mga indie digital films na ito ang nagbigay ng bagong dugo at bagong mukha sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Sa Cinemalaya nanggaling ang mga pelikulang katulad ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros, Batad: Sa Paang Palay, Donsol at Tulad ng Dati na pawang nagkamit ng mga parangal at pagkilala.
Isa sa pinakamagandang kalahok sa full length feature category ng Cinemalaya sa taong ito ay ang Endo ng UFO Pictures.
Nakuha ng Endo ang Special Jury Prize at awards para sa Best Editing at Best Actress, para sa female lead nitong si Ina Feleo.
Lahat ng nakausap naming nakapanood ng Endo ay pinupuri ang pelikula at matapos namin itong mapanood sa CCP Little Theater ay isa na rin kami sa nagri-rave rito.
Ang Endo (pinaiksing tawag ng mga empleyado sa ‘end of contract’) ay isang makatotohanan at napapanahong kuwento ng pag-ibig na tila nagsasabing ang isang relasyon ay kasin-disposable ng maiksing kontrata ng isang casual employee.
Nasa sentro ng istorya nito ang binatang college undergraduate na si Leo (Jason Abalos) na ang mga relasyon ay kasing-iksi ng serye ng kanyang pagpapalit-palit ng trabaho.
Walang ambisyon at walang gana sa buhay ang praktikal na si Leo, subalit nag-iba ang mundo niya nang makilala niya ang saleslady na si Tanya (Ina Feleo).
Hindi niya sukat-akalaing magagawa nitong baguhin ang kanyang pagkatao at magkakaroon ng panibagong sigla at kulay ang kanyang malungkot na buhay.
Napakasimple at walang anumang pretensyon ang Endo na sinulat at dinirehe ni Jade Castro. Totoong-totoo ang pelikula kaya damang-dama namin ito.
Buo ang kuwento at walang peke sa emosyon ng bawat karakter at maging ang dayalog ay makatotohanan at hindi makalumang pormula.
Prangka at sinsero ang mga eksena at malinaw ang pagkakalahad ng naratibo. Hindi mo karaniwang bibigyan ng pansin ang ganito kasimpleng kuwento pero nasa kasimplehan na ‘yon ang puso’t kaluluwa ng materyal nito, na ang kinalabasan ay isang napakagandang human story na ang mga manonood ay makare-relate nang husto.
***
Hindi nagkamali ng desisyon ang young actor na si Jason Abalos nang tanggapin niya ang indie project na ito. Napakalaki ng maturity niya bilang isang aktor dito sa Endo mula sa pagganap sa mga pakyut at pa-tweetums na teenybopper roles.
Kahit noon pa ay napansin na naming may ibubuga sa pag-arte si Jason pero hindi namin akalaing ganu’n siya kahusay.
Saktung-sakto, hindi OA, hindi kulang at napakanatural ni Jason sa harap ng kamera.
Ang kanaturalan niyang ‘yon ang malaking edge niya sa mga kabataang artistang kapanabayan niya.
Matapos naming mapanood si Jason sa Endo ay buong ningning naming masasabing isa na siyang ganap at tunay na aktor.
Ang lakas ng tama sa dibdib nu’ng eksena nila ng kanyang nakababatang kapatid (Alchris Galura) sa may kusina na kumukuha siya ng tubig sa ref at hindi niya ipinakikita ritong umiiyak siya.
Nadurog ang puso namin sa simpleng linya niyang "Congrats!" habang pigil siyang umiiyak, tapos ay nag-breakdown siya at napayakap sa kapatid.
Hanep sa drama si Jason at maraming eksenang pinaiyak niya kami nang husto. Siguradong pasok si Jason sa listahan namin ng Best Actor para sa taong ito.
Maiksi lang ang role ng 2006 Cinemalaya Best Actor (para sa Batad) na si Alchris Galura dito sa Endo pero agaw-eksena ang bagets at ang tindi ng screen presence.
Riot ‘yung taklesang kuwento niya habang kumakain sila ng kuya niya at ng nobya nito.
Ang galing din ni Ricky Davao bilang diabetic na ama nina Jason at Alchris na tambay lang sa bahay, nag-aalaga ng panabong na manok at tila nawalan ng silbi nang iwan ng kanyang asawa.
***
Bukod sa kapuri-puring pagganap ni Jason, isa ring malaking revelation sa pelikula ang dalagang anak nina Laurice Guillen at Johnny Delgado na si Ina Feleo.
Galing ng teatro si Ina at hindi kataka-takang namana niya ang acting genes ng kanyang mga magulang na kapwa batikang artista.
Hindi kagandahan sa screen si Ina pero nangungusap ang kanyang mga mata at ibang klase ang kanyang akting.
Napakagaling ni Ina sa madramang tagpo nila ni Jason sa labas ng bahay nila na pinanindigan niya ang desisyon niyang umalis kahit nagsusumamo ang binata na huwag niyang ituloy ang pagsakay sa barko.
Naantig din kami sa eksena niya sa harap ng salamin habang nagpe-pregnancy test siya. Gusto namin ‘yung ideya na hindi mo alam kung ‘yung pag-iyak niyang ‘yon ay dala ng kagalakan dahil negatibo ang resulta o dala ng panghihinayang na hindi siya buntis.
Bilib din kami sa kapangahasan ni Ina dahil wala siyang keber kahit liberal ang karakter niya rito na siya pa ang nagbigay ng motibo sa lalake at kaswal lang sa kanya ang makipagtalik.
Ang cute ng mga eksenang naglalambingan sila ni Jason sa loob ng motel, lalo na ‘yung kapwa sila giniginaw at nagtuturuan sila kung sinong magpapahina ng aircon.
Ang ina ni Ina na si Ms. Laurice ang chairperson ng Cinemalaya competition pero walang dapat maging isyu rito dahil well-deserved ang award ng dalaga.
Parang hindi first time director si Jade Lopez sa galing niyang mag-mount ng eksena at mag-motivate ng kanyang mga artista.
Aantabayanan namin ang mga susunod niyang trabaho dahil punumpuno siya ng promise bilang isang direktor.
Ang Endo ay isang malinaw na halimbawa na ang pinakasimpleng istorya ay pwedeng maging napakaganda at makatuturang pelikula.
Pruweba rin ito na hindi dapat mag-atubiling tumanggap ng indie projects ang mga artista dahil baka rito mapansin ang kanilang galing sa pag-arte, na hindi nabibigyan ng break sa mainstream movies.
Sana ay i-release din ng Star Cinema ang Endo gaya ng ginawa nila sa Maximo Oliveros at Sarong Banggi para mas marami pa ang makapanood nito. [source]
Labels: Philippine Actor








Subscribe to Post Comments [Atom]
0 Comments:
Post a Comment
<< BACK to HOMEPAGE for MORE STORIES