Nora Aunor wala talagang boses
Talagang hindi na nakakakanta si Nora Aunor dahil wala siyang boses. Resulta ito ng isang makeover operation na ginawa sa kanya. Ni makapagsalita ay hindi niya magawa. Puwede siyang magsalita pero sandali lamang dahil kapag nagtagal ito ay awtomatikong nawawala ang boses niya.
Ito ang dahilan kung kaya malaking tulong ang ginawang pagpunta nina German Moreno, John Nite at Juan Rodrigo para lamang matuloy ang tatlong araw niyang konsiyerto na nung Pebrero pa nakatakda pero hindi nga natuluy-tuloy dahil sa kawalan niya ng boses. Ang grupo ni Kuya Germs ang umalalay at nagsilbing performer sa tatlong araw na konsiyerto na ginanap sa Australia, sa Melbourne, Brisbane at Sidney.
“Ninerbiyos nga ako dahil hindi ko alam kung paano ipaliliwanag sa napakaraming tao kung bakit ang mga February concerts ay naging August na,” paunang kuwento ni Kuya Germs nang personal kong puntahan, pagkadating na pagkadating niya from Australia.
“Pero wala naman pala akong dapat ikatakot, ang presence ni Nora ay sapat na para masulit ang ibinayad ng napakaraming tao at matagal nang naghihintay sa kanya. Okay na sa kanila na andun lamang ito pero kami nina John at Juan ang kumanta. Hindi naman gaanong mahaba ang programa, pero ang kabuuan ay umaabot ng mga apat na oras dahil sa autograph signing na ginawa ni Nora at ang pagbibigay niya sa maraming kahilingan na makunan siya ng larawan na kasama ang mga tao.
“Wala talagang boses si Nora, nakapagsasalita pero kapag nagtagal kusang tumitigil ang boses niya. May na-paralyze siyang litid sa bandang kaliwa ng panga niya. May nakapagsabi sa kanya na may isang surgeon sa Boston na puwedeng makatulong para magamot ang problema niya at baka, sabi ko baka, bumalik ang boses niya pero hindi ito 100% sure. Mahal ang gamutan at wala siyang pera, tapos hindi pa sigurado na babalik ang boses niya kaya problemado siya. Marami ang willing na magbigay sa kanya ng pera. Katunayan, dun sa mga konsiyerto niya ay nagsimula nang magbigay ang mga tao pero tumanggi siya. Hindi niya tinanggap. Pakiramdam ko ayaw niya ng awa, ‘yung parang namamalimos siya. Kukunin ko na sana para ako ang magsimula ng isang fund drive pero ayaw nga niya.
“Hindi rin siya pumapayag na mag-lip synch. Pakiusap ng mga producer ng mga concerts niya na kung puwedeng gawin niya ito pero siya mismo ang umaayaw. Sinabi niyang never siyang nag-lip synch sa mga shows niya, pakiramdam niya ay parang niloloko na niya ang mga manonood. Sa kanyang huli at pangatlong konsiyerto, pinatugtog ang Pearly Shells na kinakanta niya sa record at sinasayawan ng mga bata, sinabayan niya, kumanta siya ng ilang linya pero gaya nga ng sinabi ko, hindi puwedeng matagal dahil kusang nawawala ang boses niya.
“Gusto ring dalhin ni Nora sa korte ang kaso niya pero mahal na proseso rin ito. Kinakailangan niya ng tatlong abogado, isang Pinoy, isang Amerikano at may isa pa na hindi ko alam kung anong nationality. Eh, wala ngang pera si Nora, hindi nga nakakakanta!
“Sa kabila nang hindi nakakakanta si Nora, tuwang-tuwa ang producer ng tatlong konsiyerto niya. Una dahil nakarating ako kasama sina John at Juan.
Hindi naman talaga kami libreng-libre, binigyan din kami ng talent fee, ‘yun nga lang hindi matatawag na TF dahil napakaliit, parang honorarium lamang. Si Juan, andun dahil dati siyang leading man ni Nora.
At ‘yung pag-aasikaso na ginawa sa amin ng mga Pilipino sa Australia, walang katumbas na halaga yun!
“Karamihan sa mga nanood elderly, mga may edad na isinama pa ang mga anak at apo nila, ang buong pamilya nila, para lamang makita si Nora. Kahit hindi ito kumanta, basta nakita lang nila ay okay na. Ako nga ang tinayuan ng balahibo ng sa isang parte ng konsiyerto ay pinatayo sa isang lamesa si Nora para makita ng lahat. Dun nagbunyi na ang lahat, nagsigawan at nagpalakpakan. Sa lahat ng palabas ni Nora, hindi kakaunti ang tao, libu-libo talaga. Kaya nga maluha-luha si Nora sa kanyang pagpapasalamat sa paghihintay ng kanyang kahandaan para matuloy ang konsiyerto niya,” pagtatapos ni Kuya Germs.
Marami ang nagtatanong kung bakit hindi magdemanda si Nora eh talaga namang naperwisyo siya. Kung pera ang problema, ang dami namang gustong tulungan siya, huwag lamang niyang pairalin ang pride niya. Ano ang pumipigil para gawin niya ito?
Hindi rin niya kailangang magbayad agad ng attorney’s fees dahil puwede niya itong gawin kapag natapos na ang kaso na maliwanag namang maipapanalo ng kahit sinong abogado dahil nga sa nangyari sa kanya.
Ano ang pumipigil sa isang Nora Aunor para humingi ng hustisya sa nangyari sa kanya?
[via]
Subscribe to Post Comments [Atom]
0 Comments:
Post a Comment
<< BACK to HOMEPAGE for MORE STORIES